Tuesday, May 4, 2010

Pagbabalik-tanaw sa Pagmememeron

"Ngunit kung marunong akong umunawa, ito ang sasabihin sa akin ng abot-tanaw: hanggan dito ka lamang makatatanaw; ngunit kapag pinaghirapan mong gumalaw ng kaunti, makikita mo: lampas sa abot-tanaw, may mga matatanaw na hindi mo pa natatanaw."

"Basta't sikap ako ng sikap, at sa sandaling hindi ko alam, natuto ako."

"Taglay ng bawat tao sa kanyang mulat na pagmamalay, ang isang maliit na daigdig: mga alaala, damdamin, pagnanais, hindi pagkalagay, atbp. Itong daigdig na ito ay maituturing na pagsiklab ng pagmemeron ng ako, at pakikipag-ugnayan ng ako at hindi ako. Ang hinahanap ko sa aking walang hintong pagsilang sa maliit na daigdig ng aking mulat na pagmamalay, ay makisama at makipagsagutan, lumikha at magpalikha sa tunay na daigdig; sa walang hanggang abot-tanaw ng meron. Sa aking maliit na daigdig, pinapasok ako ng walang hanggang meron at pumapasok din naman ako sa walang hanggang meron. Ngunit, kung minsan, pumapaltos ako, nababara ang aking maliit na daigdig. Sa halip na maging paraan, nagiging sagabal. Ngayon, kapag naging sagabal ang aking kaisa-isang paraan sa pakikipag-ugnayan sa meron, wala na akong pakikiisa sa meron, sa talagang nangyayari. Hiwala ako sa tunay, nakakulong sa wala."

"Nakikita natin na ang potensyal na ito ay palaging isinisilang sa paulit-ulit na pag-uulit ng naipon nang nakaraan na pag-uunawa at pagnanais at kakayahan; pag-uulit na buhay, hindi pag-uulit lamang sa nagawa na, kundi pag-uulit na lumilikha sa hindi pa nagagawa. Nakikita din natin na sa ganitong pag-uulit, hindi maiiwasan ng mga nakasangkot, na bumaling sila sa kanilang sariling kalooban, sa kanilang mga panloob na karupukan at katibayan. At dito nagiging pagbabalik-loob ang pagbaling sa kalooban."

Meron, RJF

No comments: